Malamig at parang may kakaiba sa hangin, tulog na ang lahat ngunit parang balisa siyang naghihintay sa umaga. Isa lamang itong normal na madaling-araw ngunit bakit parang may kakaiba sa kanyang pakiramdam. Katatayo lamang ng bahay noon at hindi pa talaga tapos. May mga bukas pa na bintana na pinagmumulan ng paghampas ng hangin. Tumayo siya sa higaan at iniwanan ang nakaakap na anak, na noon ay himbing na himbing pa sa pagkakatulog. Sa kanyang paglabas ay dumiretso siya sa binatana at nagmasid lamang sa katahimikan ng labas. Wari mong ang hangin ay may ibinubulong at may gustong ipahiwatig sa kung ano ang magaganap sa mga susunod na araw.
“Mama, bakit ka nandiyan?”, sumunod pala si bunso.
“wala nakkong, bumalik ka na sa kama at matutulog na tayo” ‘ani
ng kanyang ina.
Sa kanyang pagbalik sa kama ay nakaidlip rin siya kahit
paano, kahit na ang pagkabalisa ay nandiyan pa rin sa kanyang sistema.
Ilang araw ang nakalipas at nagpatuloy ang kanyang buhay
kasama ng kanyang mga anak. May isang
lalakeng kumatok at tinawag ang kanyang pangalan.
“Kayo po ba si Ginang Mendez?, mayroon pong telegrama para
sa inyo”, sabay ang abot ng sulat sa kanyang palad.
“Ako nga po iyon”, at kanyang binasa ang sulat.
Sa kanyang pagbabasa ay unti-unting dumidiin ang mensahe sa
kanyang isip at puso. Parang isang punyal na unti-unting pumapatay sa saya na
minsan ay kanyang nadama. Hindi niya namamalayan na ang luha ay nagingilid na
sa kanyang mga mata. Matapos noon ay kanyang hinagkan ang kanyang mga anak,
dalawang mga anak na pagkukunan ng tatag sa unos na kinasadlakan ng pamilya
nila.
Nakasaad sa sulat na ang kanyang asawa ay namatay habang
ginagawa ang kanyang tungkulin bilang isang “seaman”. Na kailangan niyang
pumunta sa opisina at asikasuhin ang mga bagay na iniwan ng kanyang asawa. Higit sa lahat ay kailangan niyang asikasuhin
ang pag-uwi ng labi ng kanyang kabiyak sa Pilipinas.
Noong madaling-araw na hindi siya makatulog, ay kasalukuyang
nagaganap ang trahedyang kinamatay ng kanyang asawa. Na ang bawat hampas ng
hangin ay may karampatang hampas ng alon sa katawan ng kanyang pinakamamahal sa
ibang bansa. Na ang lamig ng hangin ay marahil dulot ng pagdalaw ng isang
kaluluwa na ang hiling ay masilayang muli ang kanyang pamilya at mahagkan ang
kanyang mga anak at asawa sa kahuli-hulihang pagkakataon bago siya tuluyang
mawala..
…at ang madaling-araw na iyon ay simula ng isang buhay na kabaligtaran
ng “madali” at magiging sobrang “mahirap”.
---hango sa tunay na buhay,---