Sunday, March 3, 2013

Madaling-Araw


Malamig at parang may kakaiba sa hangin, tulog na ang lahat ngunit parang balisa siyang naghihintay sa umaga. Isa lamang itong normal na madaling-araw ngunit bakit parang may kakaiba sa kanyang pakiramdam. Katatayo lamang ng bahay noon at hindi pa talaga tapos. May mga bukas  pa na bintana na pinagmumulan ng paghampas ng hangin.  Tumayo siya sa higaan at iniwanan ang nakaakap na anak, na noon ay himbing na himbing pa sa pagkakatulog. Sa kanyang paglabas ay dumiretso siya sa binatana at nagmasid lamang sa katahimikan ng labas. Wari mong ang hangin ay may ibinubulong at may gustong ipahiwatig sa kung ano ang magaganap sa mga susunod na araw.

“Mama, bakit ka nandiyan?”, sumunod pala si bunso.

“wala nakkong, bumalik ka na sa kama at matutulog na tayo” ‘ani ng kanyang ina.

Sa kanyang pagbalik sa kama ay nakaidlip rin siya kahit paano, kahit na ang pagkabalisa ay nandiyan pa rin sa kanyang sistema.

Ilang araw ang nakalipas at nagpatuloy ang kanyang buhay kasama ng kanyang mga anak.  May isang lalakeng kumatok at tinawag ang kanyang pangalan.

“Kayo po ba si Ginang Mendez?, mayroon pong telegrama para sa inyo”, sabay ang abot ng sulat sa kanyang palad.

“Ako nga po iyon”, at kanyang binasa ang sulat.

Sa kanyang pagbabasa ay unti-unting dumidiin ang mensahe sa kanyang isip at puso. Parang isang punyal na unti-unting pumapatay sa saya na minsan ay kanyang nadama. Hindi niya namamalayan na ang luha ay nagingilid na sa kanyang mga mata. Matapos noon ay kanyang hinagkan ang kanyang mga anak, dalawang mga anak na pagkukunan ng tatag sa unos na kinasadlakan ng pamilya nila.

Nakasaad sa sulat na ang kanyang asawa ay namatay habang ginagawa ang kanyang tungkulin bilang isang “seaman”. Na kailangan niyang pumunta sa opisina at asikasuhin ang mga bagay na iniwan ng kanyang asawa.  Higit sa lahat ay kailangan niyang asikasuhin ang pag-uwi ng labi ng kanyang kabiyak sa Pilipinas.

Noong madaling-araw na hindi siya makatulog, ay kasalukuyang nagaganap ang trahedyang kinamatay ng kanyang asawa. Na ang bawat hampas ng hangin ay may karampatang hampas ng alon sa katawan ng kanyang pinakamamahal sa ibang bansa. Na ang lamig ng hangin ay marahil dulot ng pagdalaw ng isang kaluluwa na ang hiling ay masilayang muli ang kanyang pamilya at mahagkan ang kanyang mga anak at asawa sa kahuli-hulihang pagkakataon bago siya tuluyang mawala..

…at ang madaling-araw na iyon ay simula ng isang buhay na kabaligtaran ng “madali” at magiging sobrang “mahirap”.


---hango sa tunay na buhay,---


2 comments:

  1. Hell mumayski? just dropping here in your blog :) I wonder if you care for an exchange link? here is my blog where I share different Information Technology Enthusiast. Feel free to visit it

    ReplyDelete